Monday, August 31, 2009

Kabanata II Sa Ilalim ng Kubyerta

Kabanata II
Sa Ilalim ng Kubyerta


Buod

Tinungo ni Simoun ang ibaba ng kubyerta. Masikip sa pasahero ang ilalim ng kubyerta. Naroon ang dalawang (2) estudyate na pinakukundanganan ng iba-si Basilio na nag-aaral ng medisina at mahusay ng manggamot at isang katatapos pa lamang sa Ateneo, isang makata, si Isagani. Kausap sila Kap. Basilio. Napag-usapan si Kap. Tiyago. Pinauwi raw siya, ani na naging tagapayo ng kapitan nitong mga huling araw. Napaling ang usapan sa paaralang balak ng mga estudyante ukol sa pagtuturo ng mga Kastila. Hindi raw ito magtatagumpay ayon kay Kap. Basilio. Magtatagumpay, ayon sa dalawang binata. Lumayo ang matandang Basilio. Napag-usapan si Paulita Gomez, ang kasintahan ni Isagani at tukod ng ganda, mayaman at may pinag-aralan kaya nga lamang ay tiya si Donya Victorina. Ipinahahanap ni Donya Victorina kay Isagani ang asawa , si De EspadaƱa, na sa bahay pa ni Padre Florentino, amain ng binata, nagtatago.

Dumating si Simoun at kinausap ng magkabigan. Ipinakilala ni Basilio kay Simoun si Isagani. Sinabi ni Simoun na di niya nadadalaw ang lalawigan nina Basilio sapagka’t ang lalawigan nina Basilio sapagka’t ang lalawigang ito’y mahirap at di makabibili ng alahas. Matigas na tumutol Si Isagani at anya: Hindi kami namimili ng alahas dahil di namin kailangan. Napangiti si Simoun. Nasabi raw niyang dukha ang lalawigan, dahil ang mga pari sa simbahan ay Pilipino.

Nag-anyaya si Simoun sa pag-inom ng serbesa. Tumanggi ang dalawa. Ayon kay Simoun, Sinabi ni Padre Camorra na kaya tamad ang mga Pilipino ay dahil pala-inom ng tubig at di ng serbesa. Mabilis na tumugon si Basilio; Sabihin ninyo kay Padre Camorra na kung siya ay iinom ng tubig sa halip ng serbesa, marahil ay mawawala ang sanhi ng mga usap-usapan. At dagdag ni Isagani: lumuluhod sa alak at sa serbesa na pumapatay ng apoy; na kapag pinainit ay sumusulak; nagiging malawak na dagatan at gumugunaw ng santinakpan. Hindi niya pinakinggan ang pagsingkil ni Basilio.

Itinanong ni Simoun kung ano ang itutugon niya sakaling itanong ni Padre Camorra kung kailan magiging sulak at malawak na karagatan ang tubig. Tugon ni Isagani: Kapag pinainit ng apoy; sa sandaling ang mumunting ilog na watak-watak ay magkakasamasama sa kailalimang hinuhukay ng tao. Binigkas ni Basilio ang isang tula ni Isagani na rin ukol sa pagtutulong ng apoy at tubig sa pagpapatakbo sa makina (steam engine). Pangarap daw ayon kay Simoun dahil ang makina ay hahanapin pa.

Nang umalis si Simoun saka lamang nakilala nang lubusan ni Isagani ang mag-aalahas na tinawag na Kardinal Moreno. May dumating na utusan. Ipinatawag ni Padre Florentino ang pamangkin. Nguni’t nakita ng kapitan si Padre Florentino at ito’y inanyayahang pumanhik sa ibabaw ng kubyerta.

Mga Tulong Sa Pag-aaral

1. Bakit kalakaran sa matanda, tulad ni Kap. Basilio na nakatatagpo ng balakid sa lahat ng dako samantalamg ang kabataan ay masigasig sa mga balak, tulad nina Isagani?

Tugon

Marami nang kabiguang naranasan ang matatanda kabiguan sa sarili nilang mga pangarap at balak noong kanilang kabataan samantalang ang mga bata ay may maapoy pang damdamin na gatong sa kanilang mga balak at adhikain. Di pa sila nakararanas ng maraming kabiguan. Dahil dito, kahit papaano, ang daigdig ay sumusulong, umuunlad.

2. Bakit nangiti si Simoun nang matigas tumugon si Isagani na kaya di namimili ng alahas ang kanyang mga kababayan ay dahil hindi nila ito kailangan?

Tugon

Kung ang ngiting iyon ay palibak o patuya, iyon ay dahil alam ni Simoun na di totoo. Mahiligin sa alahas ang mga Pilipino. Kung iyon ay ngiti ng kasiyahan ay masasabi nating dahil sa nakita ni Simoun kay Isagani ang isang katangiang hinahangaan niya at hinahanap lalaking matapang at nakikipaglaban para sa karangalan ng bayan.

3. Ano ang palatandaan ni Simoun sa pagiging dukha ng isang bayan noon?

Tugon

Ang pari sa bayan. Pag Pilipino, dukha ang paroko; pag Kastila naman mayaman. Kung pagsisimula pa lamang ang isang paroko di pa malakas ang kita, Pilipino ang inilalagay dito; pag-umunlad na ito, pinapasok na ng mga prayleng Kastila.

4. Totoo ba ang sabi ni Padre Camorra na kaya tamad ang mga Pilipino ay dahil hindi ito nagsisiinom ng serbesa?

Tugon

Hindi. Ito’y totoo para sa bayang malalamig nguni’t di sa Pilipinas na totoo nang mainit kadalasan ang panahon. Tingnan ang palainom ng tuba. Pagkainom ano? Bulagta!

5. Ano ang tugon ni Isagani kay Simoun?

Tugon

Na kung si Padre Camorra at mga kasama nitong kastila ay nagbabawas sa pag-inom ng alak, titino sila ng kaunti at ang mga alingasngas nila, lalo na sa kababaihan, ay mabanawasan kundi man maalis. (Ito kaya ay di tuwirang pangagaral ni Rizal ukol sa alak?)

6. Ano ang ibig sabihin ni Isagani sa pagiging sulak ng tubig? sa mumunti at watak-watak na
ilog?


Tugon

Ang sulak (steam) ay pag-init at pagkulo ng malamig at matimping damdamin ng mga Pilipino; pagsulak, himagsik! Ang mumunti at watak-watak na ilog ay ang kawalang-kaisahan ng damdaming Pilipino na may matinding gawi ng pag tatangi-tangi (regionalism). Kung ang mga puta-putaking himagsikan lamang sa Pilipinas na mula kay Lapu-lapu hanggang kaina Diego Silang ay walang tigil nang pagsiklab, ay naging parang ilog na nauwi sa iisang dagat o nagkaisa-isa at nagkasabay-sabay sa isang pamumuno, matagal na sanang gininaw ng dagat ng tubig na ito ang Moong ng Kastila sa Pilipinas.

7. Ano ang diwa ng tula ni Isagani na bibigkas ni Basilio?

Tugon


Pagtutulugan ng tubig at ng apoy sa isang makina (steam engine). Pagtutulungan ng Pilipino at Kastila sa mahusay na sistema ng pamamahala.

8. Bakit pangarap lamang daw ito ayon kay Simoun?

Tugon


Hahanapin pa raw ang makina. Ibig sabihin may apoy nga at may tubig nguni’t walang makina. Walang makikitang pag-asa si Simoun sa pagkakasundo ng mga Pilipino at Kastila.

9. Paano nagkakilala sina Simoun at Basilio?

Tugon


Sa bahay ni Kapitan Tiyago ay isa sa madalas dumalaw si Simoun na pinaghihinalaan ng lahat, pati si Basilio, na isang naghahangad makamana sa yaman ng Kapitan.

Kabanata I Sa Ibabaw ng Kubyerta

Kabanata I
Sa Ibabaw ng Kubyerta


Buod

Umaga ng Disyembre. Sa Ilog Pasig ay sumasalunga ang Bapor Tabo. Lulan nito sa kubyerta sina Don Custodio, Ben Zayb, P. Irene, P. Salvi, Donya Victorina, Kap. Heneral at Simoun.

Napag-usapan ang pagpapalalim ng ilog Pasig. Mungkahi ni Don Custodio: mag-alaga ng itik. Ani Simoun namang kilalang tagapayo ng Kap. Heneral: Gumawa ng tuwid na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at sa look ng Maynila. Nagkasagutan sila ni Don Custodio at ng ilang pari. Ayaw ni Donya Victorina na matuloy ang pag-aalaga ng pato dahil darami ang balot na pinandidirihan niya.


Mga Tulong Sa Pag-aaral

1. Ang ibabaw ng kubyerta ng bapor ay para sa matataas na uri ng tao, karaniwa’y Kastila.

2. Ang Noli ay nagtapos sa buwan ng Disyembre; ang Fili ay dito nagsimula. Ngunit ang Disyembre sa Noli at ang Fili ay may 13 taong nakapagitan.

3. Si Don Custodio ay tanungan at tagapayo ng mga taong pamahalaan. Si Ben Zayb (Ibanez) ay isang mamahayag.

4. Ang tabo ay isang katutubong batalan. Ang tabo sa kasalukuyan ay karaniwang latang pinagbasyuhan ng gatas, kape o ano man. Mula sa abang bataan hanggang sa makabagong banyong may gripo at dutsa sa Pilipinas ay may tabo. Noon ang tabo ay karaniwang pang-ilalim na bahagi ng bao ng niyog.

Mga Tanong at Sagot

1. Paano pinaghahambing ni Rizal ang Bapor Tabo at ang Pamahalaan?

Tugon

a. Sa pagkakaroon ng 2 lugal ng tao sa kubyerta at sa ilalim ng kubyerta, tulad ng paglalagay ng pamahalaan na may mga taong mataas ang uri, tulad ng mga Kastila, mayayaman at prayle: at mga abang mamamayang tulad ng mga mestiso at indiyo.

b. Sa mabagal nguni’t mapagmalaking palakad tulad ng pamahalaan na halos hindi nakausad sa may 300 taong pamumuno sa Pilipinas.

c. Sa pagkulapol na pinturang puti - nagpapanggap na malinis at marangal ngunit’t makikita ang mga dumi sa likod ng pinta tulad ng mga walang katarungang pagpatay at pagbilanggo, ng mga kabulukan, katiwalian at iba pa sa pamahalaan at simbahan.

d. Sa bilog na anyo ng bapor - nagpapakilalang ang pamahalaan ay walang malinaw na kaanyuan; walang plano ng pagiging unahan, hulihan, tagiliran na tulad ng pamahala noon na walang yaring plano ng pagpapalakad.

e. Sa paggamit ng makina at tikin tulad ng pamahalaan, may namamahalang sibil, tulad ng Kap. Heneral at iba pang taong pamahalaan at ang prailesya o mga kura. Noon ay may union of church and state o pagiging magkatulong ng pamahalang sibil at ng simbahan sa pagpapalakad ng mga suliraning pampulitika at pangkabuhayan ng bayan. Alin ang makina at alin ang tikin? Ang makina na siyang tuwirang nagpapatakbo sa bilog na bapor ng pamahalaan, bilog sapagkat walang plano at di alam kung saan ang patungo at saan ang pabalik, ay siyang pamahalaang sibil, samantalang ang mga tikin ay siyang mga kura na nagsasabi kung saan dapat patungo ang bapor ng pamahalaan. (Dapat mabatid kung ano ang tikin.)

2. Bakit inis na inis si Donya Victorina?

Tugon

Iniwasan siya ng mga lalaki sa itaas ng kubyerta.

3. Anu-ano ang ibubuti ng malalim na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at look ng Maynila ayon kay Simoun?

Tugon

a. Makapagtitipid ng lupa. Ang liku-likong Ilog Pasig ay mahalinhan ng tuwid na kanal.
b. Iikli ang paglalakbay; uunlad ang negosyo.
k. Maiiwasan ang mga putik at burak sa mga pampangin ng Ilog Pasig.
d. Giginhawa ang paglalakbay.

4. Anu ano ang tutol dito ni Don Custudio?

Tugon

a. Malaki ang gugulin
b. Maraming bayan ang kakailanganing sirain
k. Walang ibabayad sa mga manggagawa

5. Anu-ano ang tugon ni Simoun dito?

Tugon

a. Kung maraming bayan ang kailangang mawasak, sirain ito.
b. Kung walang ibabayad sa gagawa, gumamit ng mga bilanggo.
k. Kungdi sapat ang mga bilanggo pagawain ng walang bayad ang taong-bayan na magdadala ng sariling pagkain at kasangkapan. Sa ganito raw paraan natayo ang piramide sa Ehito at koliseo Sa Roma na hinahangaan ngayon kaugnay ng pangalan ng mga paraon at mga pinuno ng Roma gayong limot na natin ang libu-libong nagamatay na mangagawa roon. Ang mga patay ay patay na ang tanging malakas ang binibigyang katwiran at panahon;
d. At di raw maghihimagsik ang bayan tulad ng mga Ehipsio.

6. Dahil sa mga panukala ni Simoun at kanyang tandisang patutsada kay P. Sibyla at Don Custodio, ano ang naging palagay sa kanya ng nasa itaas ng kubyerta?

Tugon

a. Siya ay isang mulatong (mestisong) Amerikano.
b. Mestisong taga-India at Ingles naman daw.

7. Bakit nangigilag ang mga prayle at sina Don Custodio kay Simoun?

Tugon

Ito’y kaibigan ng Kapitan Heneral, doon pa sa Habana, Kuba.

Dagdag na mga Tanong at Puna

1. Mararahas ang mga balak ni Simoun. Lahat ay makakapagpahirap sa mga mamamayan.

2. Si Don Custodio ang ipinalalagay na pinakamatalinong tagapayo ng mga puno sa Pilipinas.

3. Si Padre Sibyla ay pangalawang rektor ng UST.